Minsan naisip ko, parang masyado ng delayed kung ngayon pa ako magsisimula ng blog. Oo nga at mahilig akong magsulat, mas lalo na magbasa. Mahaba haba na ring panahon na nagbabasa lang ako ng blog ng may blog. Nakitawa sa nakakaaliw na mga entries, nakikidalamhati sa hinanakit na tanging ang mga blog nila ang ginawang shock absorber at ang mga comments ang ginawang pampakalma.
Natutuwa ako na nasusundan ko ang drama ng buhay ng isang blogista. Lalo na yung mga paborito ko talagang mga blog sites. Kahit papano, hindi ko maiwasang mainggit at nagawa nilang isalarawan, iguhit, at isulat ang bawat kabanata ng kanilang buhay. Subalit sa isang banda, nanlulumo akong isiping huling huli na ako sa laban, kung laban mang matatawag. Ilang entries na ba nagawa nila? Samantalang bubuuin ko pa lang ang una kong entry? Natanong ko tuloy sa sarili ko kung ano yung driving force para mag simula ng blog.
Pagnilayan natin.
Tingin ko madami. Minsan salungat sa dahilan ng karamihan. Merong naghahanap lang ng outlet para sa mga angst nila. Merong frustrated writers, trying to be writers, subra sa need ng attention, at wala lang magawa sa subrang dami ng leasure time nila, at libre siguro ang internet connection. Pero nakakaaliw, nakaka inspire din. Hindi ko masyadong maintindihan, pero natutuwa talaga akong magbasa ng blogs. Para bang hinihimay mo yung kaluluwa ng writer. Sa daloy ng mga pangungusap ng sumulat nakikita mo yung karakter nila, yung kabuuan nila. Makikita mo yung yaman ng istilo ng mga panulat. Minsan nga wala ng balangkas na sinusunod. Taliwas sa tinuturo sa mga writers workshop. Tipong unconventional. Merong mga sumusulat ng blogs na free flowing lang na walang pakialam sa spelling, sa rules kung meron man, basta sulat lang ng sulat. Pero yun ang pinagtataka ko nun, nakakaaliw pa ring basahin, napaka uplifting pa ring basahin.
Siguro bago magsulat, kailangang matuto o mag develop ng pagmamahal sa pagbabasa. Tingin ko ‘yun yung jump-off point. ‘Yung tipong addict ka na sa pagbabasa, ‘yung tipong hindi ka makakatulog sa gabi kung wala kang babasahing kung ano ano. Mula ‘ron, uusbong yung pagnanasa mong sumulat na rin at hindi lang bastang magbasa na lang ng sulat ng iba. Ang pagkamulat mo sa pag nanasang yun ay magsisimulang lilitaw kung natututo ka na ring pumuna sa mga binabasa mo at magsimulang humahabi ng sariling opinion at kuro kuro. Doon mo ma- realize, masarap palang magsulat.
Kaya kahit late na, kung late mang matatawag, magsusulat ako ng blogs. Nakakatulong din ‘yung sa tagal ng panahon kong tagabasa lang ng blogs ng may blogs, tagapuna ng istilo ng mga writers, At taga appreciate ng mga paraan ng pagpapahayag ng kanilang nararamdaman.
Hindi maglalaon, alam ko, makakatanggap din ako ng komentaryo, meron ding tatangkilik (sana), at pwede ko na ring tawagin ang sarili ko na blogger. Kahit hindi ko alam kong importante ba yun o hindi.
Sana, sana lang naman… merong mag welcome sakin sa Blog world.