Yan ang isa sa mga vandal sa pader na hinding hindi ko malilimutan. High school student pa ako nun, habang nagbabawas ako ng kinain sa comfort room ng isang mall, nabasa ko yung vandal na yun na nakasulat sa pintuan.
Hindi lang ako sigurado kung doon nagsimula ang fascination ko sa mga vandal sa pader, sa CR, sa ilalim ng tulay, at sa arm chair namin sa classroom noon. Basta ang alam ko, merong art na matatawag ang mga one liner na mga sulat na palatandaan ng pagiging expressive natin bilang mamamayan. Minsan pa nga ay inuukit pa sa kawawang mga sanga or katawan ng puno ang walang kamatayang pag-ibig ng magsing-irog, “DADAY LOVE BADONG FOREVER.”
Meron akong listahang ginawa noon. Lahat ng madadaanan ko na vandal, yung tipong nagustuhan ko ang nais ipahiwatig, sinusulat ko. naisip ko pa nga noon na balang araw gagawa ako ng libro ng mga sulat sa pader, or sa CR, or sa dingding ng may dingding. Ewan ko lang kung napapansin nyo, kadalasan sa mga sulat na makikita mo ay pagpapakilala ng payak na pagmamahal at tanging ang kawawang pader ang tanging saksi sa lalim ng nadarama ng tarantado nitong puso.
O sige, isusulat ko yung ilan sa mga vandal na natatandaan ko pa at kung saan ko siya nabasa.
ROSES ARE RED, VIOLETS ARE BLUE, SA LAHAT NG BOYS, SI ORANGE GUSTO KO.
Hindi nga, nasulat yan sa arm chair ng maniwala kayo’t sa hindi crush ko din nung elementary pa ako. Kinukulit ko pa nga noon si special someone kung siya ba nagsulat nun pero ayaw niya talagang aminin.
BAKIT PA NATUTONG MAGMAHAL ANG TARANTADO KONG PUSO? JOHNNY WAS HERE SINCE 1972
Eto naman, sa nakaukit sa mesa ng tambayan ng mga biology students sa malapit sa punong mangga dun sa school namin noong araw. Hindi ko alam at sa dinami daming vandal sa school eh isa ito sa hindi maalis sa isipan ko. Eh wala namang ka profound – profound. Siguro dahil sa madalas kong pag hihintay noon sa tambayan ng biology students. Nandoon pa rin yung tambayan, pero wala na ang punong mangga. At mga myembro na ng Frat ang tumatambay dun.
Masasabi kong kasama ang mga vandal sa humubog ng pagiging writer ek-ek ko ngayon. Nadarama ko kase ang lalim at essence sa likod ng istorya ng bawat vandal. ‘Yung drama na nakabalot sa bawat kataga, kahit sa ilalim man ito ng upuan nakasulat ay may kwentong nakatago. Totoo, kasing kulay din ng sulat sa pader ang kwento kung bakit yun na sulat dun. Tulad din ng natatawa akong alalahanin yung pinapulot kami ng basura after class dahil may kung sinong gago ang sumulat sa blackboard ng, “ABSENT SI MA’AM! UWIAN NA!”
Makikita ang dark sa dilim… patingin nga?